4/12/2018

PARA SA AKING HENERASYON

Dalawampung taon.
Ganyan na tayo katagal sa mundo.
Saan nga ba tayo patutungo?

Dalawang dekada na ang nakalipas, kumusta tayo?
Sa pagkakaalam ko, tayo yung mga kabataang noo'y may pinakamataas na pangarap.

Nasaan ka na ba ngayon?
Nasa iisang kapalaran pa ba tayo?
Sa daan ka na ba patungo sa pangarap mo?
O tumambay muna sa kanto kasi nawala sa daan?
Ayos lang. Sino ba kasi ang nagmamadali?
Soft drinks muna.
O baka 'di na kasya ang pera?

Ang hirap 'no?
Tayo yung saksi sa pagbabago ng mundo.

Naaalala mo pa ba,
tayo yung mga gusgusing bata na ayaw manatili sa bahay dahil ayaw nating mapag-utusan ng gawaing bahay.
Dun tayo nagpapalipas ng oras sa plaza naglalaro ng tumbang lata, gumigising ng maaga tuwing walang pasok at uuwi ng halos madilim na. Paguwi'y amoy pawis at sa pagtulog kadalasan maiihi pa.

At biglang nag-iba ang lahat...
'Di na tayo pinagpapawisan pero tinutubuan na ng kalyo sa kamay.
Dapat umaga aalis at gabi uuwi ay naging gabi ang alis at uumagahin na ng uwi.
Yung pagkain at inumin huhulugan na lang ng pera.
Yung napakadali na lang ng buhay ngayon kasi isang pindot lang nandiyan na.

Pero hindi.
Hindi pa rin natin napapadali.
Kaya naman natin pero sana hindi tayo minamadali.

Sabi nila, mas mahirap noon kasi kailangan paghirapan ang mga bagay upang makamit...
Sabi nila, maswerte tayo ngayon kasi posible na ang lahat...

Pero bakit hindi?
Bakit ang hirap pa rin?

Ang hirap na sa lahat ng bagay dapat may sinusunod, dapat naaayon at maayos. Ngunit sa paningin lang nila. Kailangan lahat ay tama sa paningin nila.

Hindi naman nila nakikita na hindi lahat magkatulad ang patutunguhan. Kasi sa simula't sapul, sino ba nagsabi na tutungo tayo kung nasaan sila ngayon?

"Ay, gayahin mo si ano, ang layo na ng narating!"
"Ganito kasi dapat..."
"Wala ka bang plano sa buhay?"

Teka, kelan ba tayo papasok?
Kelan ba tayo pwede nang pumasok?
Kelan ba tayo papapasukin?

Lakasan mo ang katok, baka 'di lang marinig.
Wala pa rin ba?

Ayos lang.

Tara, gawa tayo ng pinto natin.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento